DAVAO, Philippines – Itinanggi ng DENR sa Davao Region ang mga ulat na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-utos na suspindihin ang operasyon ng pangongolekta ng basura sa Davao City.
Ayon sa DENR Region XI, ang kautusan ay inilabas ng kanilang tanggapan noong Mayo 21, isang araw matapos ang insidente ng pagguho ng basura sa Davao City Sanitary Landfill. Layunin ng suspensyon na masiguro ang kaligtasan ng lugar habang isinasagawa ang search at retrieval operations, geotechnical assessments, at proteksyon ng mga manggagawa at kalapit na komunidad.
Sa insidente, dalawang katao ang namatay at dalawa ang nasugatan, habang isa pang tao ang patuloy na hinahanap hanggang Hunyo 1.
Sinabi ni DENR Davao Regional Executive Director Ma. Mercedes Dumagan na teknikal na desisyon ng regional office ang suspensyon at isinagawa ito sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.
“Since the suspension, our teams have been working daily with the (local government unit or LGU) to ensure corrective measures are in place and that operations can resume safely. The president has no involvement in this matter,” saad ni Dumagan.
Habang ipinatutupad ang mga kinakailangang hakbang, nagmungkahi ang DENR ng mga alternatibong paraan ng pamamahala ng basura, kabilang ang pansamantalang pagtatapon ng basura sa mga kalapit na LGU gaya ng Sta. Cruz at Panabo, pakikipag-ugnayan sa Holcim Geocycle para sa co-processing ng residual waste, pagpapabilis ng pagtatayo ng bagong sanitary landfill, at paglikha ng pansamantalang disposal area sa loob ng kasalukuyang landfill site.
Ayon kay Regional Director Alnulfo Alvarez, layunin ng mga hakbang na matulungan ang lungsod habang ipinatutupad ang mga regulasyon.
“We are not leaving the city without options. The LGU is implementing corrective measures, and we are guiding them every step of the way,” ani Alvarez.
Pinuri rin ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna ang koordinasyon ng DENR at ng Davao City government.
“I appreciate the steady coordination between our teams and the City Government of Davao. This is how governance should work — national and local governments moving together, guided by science, and focused on protecting communities,” ayon kay Cuna.
Nangako ang Davao City government na makumpleto ang mga kinakailangang corrective measures bago ang Hunyo 9. Ayon sa DENR, maaari lamang alisin ang suspensyon kapag napatunayang naisagawa na ang lahat ng kinakailangang hakbang para sa kaligtasan. RNT/MND