MANILA, Philippines – Pormal na nilagdaan ang kasunduan sa pagitan ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang magkaroon ng tiyak at tuloy-tuloy na pamilihan ang mga produkto ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Oriental Mindoro sa pagmemerkado ng mga Agrarian Reform Beneficiaries Organization (ARBOs) sa ilalim ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) Program.
Ayon sa DAR layunin ng kasunduan na mabigyan ng matatag na merkado ang mga produktong agrikultural ng mga magsasaka habang tinutugunan ang pangangailangan sa pagkain ng mga pasilidad na pinangangasiwaan ng BJMP sa lalawigan.
Kaugnay nito ipinapakita ng inisyatibong ito ang patuloy na pagsisikap ng DAR sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Conrado M. Estrella III na palawakin ang oportunidad sa merkado ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa pamamagitan ng direktang pag-uugnay sa kanila sa mga institutional buyers, tulad ng BJMP. Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng siguradong mamimili ang kanilang ani, na nagdudulot ng mas mataas na kita at mas maayos na kabuhayan para sa kanilang mga pamilya.
Nabatid sa ilalim ng kasunduan, direktang magsu-supply ng mga gulay, prutas at iba pang produktong agrikultural ang mga kalahok na ARBO sa mga district jail sa Oriental Mindoro. Bukod sa pagbibigay ng matatag na pamilihan para sa ani ng mga magsasaka, nakatutulong din ito sa pagpapalakas ng lokal na seguridad sa pagkain at pagtataguyod ng paggamit ng mga produktong lokal.
Idinaos ang ceremonial signing sa Mindoro State University (MinSU) sa Lungsod ng Calapan at dinaluhan ng mga kinatawan mula sa DAR MIMAROPA, DAR Oriental Mindoro Provincial Office, BJMP Regional Office, mga district jail facility, at mga ARBO.
Kasama rin sa programa ang talakayan hinggil sa pagpapatupad ng kasunduan, konsultasyon sa mga stakeholder, at isang open forum upang mapalalim pa ang kooperasyon ng mga katuwang na ahensya at organisasyon.
Samantala sa pamamagitan ng PAHP Program, patuloy na binubuo ng DAR ang makabuluhang ugnayan sa merkado upang matulungan ang mga ARB na magkaroon ng pangmatagalang pinagkukunan ng kita, kasabay ng pagsuporta sa layunin ng pamahalaan na mabawasan ang gutom at kahirapan at maisulong ang kaunlaran sa mga pamayanang kanayunan. (Santi Celario)