MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Coast Guard sa mga mangingisda at residente sa baybayin ng Northern Luzon na maging alerto dahil posibleng bumagsak ang debris mula sa Long March 5 rocket ng China sa mga itinakdang lugar sa karagatan ng Cagayan at Ilocos Norte sa nakatakdang launch sa Hunyo 10.
Ayon kay Lt. Junior Grade Mark John Gazzingan, commander ng PCG sa Cagayan, ilulunsad ang rocket mula sa Wenchang Space Launch Site sa Hainan Province ng China sa pagitan ng 3:22 p.m. at 4:45 p.m.
Batay sa PCG, may dalawang drop zones kung saan posibleng bumagsak ang rocket debris:
Ang Drop Zone 1 ay nasa humigit-kumulang 69 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte at 94 nautical miles mula sa Dalupiri Island sa Cagayan.
Ang Drop Zone 2 naman ay nasa mga 119 nautical miles mula Sta. Ana, Cagayan at 13 nautical miles mula Camiguin Island, Cagayan.
“All mariners operating within the area are strongly advised to take extra precautionary measures and carry out appropriate safety actions when navigating near or within the identified drop zones before or during the rocket launch window,” ayon sa PCG advisory.
Hinimok din ang mga residente sa baybaying komunidad na agad i-report sa Coast Guard ang anumang makikitang debris o kahina-hinalang bagay sa dagat, at huwag itong lapitan o galawin. RNT/MND