MANILA, Philippines – Inanunsyo ni dating Senate President Vicente Sotto III na magsasampa siya ng libel at cyberlibel complaints laban sa 18 witnesses na nagsabing mga dating Marines at nag-akusa sa kanya ng pagtanggap umano ng kickbacks mula sa flood control projects.
“I will decide who to charge by Monday. It might include the persons who brought and coached some of the 18 ex-bodyguards,” ani Sotto.
Ayon naman kay dating Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson, maaari ring humarap sa legal na kaso ang mga senador na nanguna sa nasabing pagdinig dahil sa posibleng paglabag sa Cyber Libel Law at Article 177 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa mga opisyal na kilos na walang awtoridad.
“Yes, they can be charged, possibly for cyber libel and other crimes since it was a bogus hearing and no parliamentary immunity may be invoked, not even the senators who participated,” ani Lacson.
Pinuna rin ng Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang naturang Blue Ribbon Committee hearing at kinuwestyon kung bakit ito isinagawa sa gitna ng umiiral na imbestigasyon ng Ombudsman sa flood control anomalies.
“Ang tanong ko nga eh just thinking out loud, bakit nag-Blue Ribbon Committee hearing ulit dito sa flood control ano ba yan? Kasi ginagawa na namin yan eh trabaho na namin,” aniya.
Dagdag pa niya, nakatanggap umano ang Office of the Ombudsman ng imbitasyon sa hearing ngunit hindi na nila ito nakita bilang kinakailangan dahil sila na ang may mandato sa imbestigasyon.
Iginiit din ni Remulla na hindi dapat gawing “sandata sa pulitika” ang Ombudsman.
Samantala, nakatakda namang idaos sa Lunes ang Blue Ribbon Committee hearing ng Gatchalian bloc na pamumunuan ni Senador Erwin Tulfo, kung saan muling iimbitahan ang 18 witnesses na nag-akusa ng umano’y paghahatid ng cash-filled suitcases kina Sotto at iba pang opisyal.
Parehong itinanggi nina Tulfo at Sotto ang mga alegasyon. RNT/MND