MISAMIS ORIENTAL, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang isang opisyal sa Cagayan de Oro City matapos maulat na umaabot sa 14 tonelada kada araw ang nalilikhang medical waste sa lungsod.
Ayon kay City Councilor Roger Abaday, nahihirapan ang mga ospital at klinika sa tamang pagtatapon ng kanilang hazardous waste, kaya dinadala pa umano ito sa ibang lugar gaya ng Davao, Tacurong, General Santos, at minsan sa Cebu.
“Adunay kalisod sa ilang paglabay kay didto ra man na nila i-transport sa Davao, Tacurong ug Gensan…,” ani Abaday.
Nagbabala rin siya na may ilang health centers na posibleng nagbaon na lamang ng medical waste dahil sa mataas na gastos sa disposal.
Dahil dito, isinusulong niya ang agarang operasyon ng waste treatment facility sa lungsod upang lokal na maproseso ang mga medical waste.
Ayon sa City Local Environment and Natural Resources Office (CLENRO), may pasilidad na ngunit hinihintay pa ang Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources bago ito tuluyang mag-operate.
“We need to apply for accreditation… TSD accreditation…,” ayon kay CLENRO Head Elvisa Mabelin.
Sa kasalukuyan, umaasa ang mga ospital sa pribadong collectors, ngunit nagiging hindi tuloy-tuloy ang koleksyon dahil sa problema sa disposal. RNT/MND