Home NATIONWIDE Pabahay sa Bulacan, inihahanda ng NHA, para sa 91 pamilya ng “Tunnel...

Pabahay sa Bulacan, inihahanda ng NHA, para sa 91 pamilya ng “Tunnel Community”

3
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng National Housing Authority (NHA) na inihahanda na nito ang mga pabahay sa Bulacan para sa pagdating ng 91 pamilyang bumubuo sa tinaguriang “Tunnel Community” o ang mga naninirahan sa ilalim ng Osmeña Highway sa Maynila.

Alinsunod sa direktiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinabilis ng NHA Region III ang mga kinakailangang paghahanda para sa relokasyon ng “Tunnel Community”. “Inaatasan ko ang NHA Region III na ayusin at ihanda ang mga available housing units para sa paglilipat at pagdating ng ating mga benepisyaryong galing sa bahagi ng mga pamilyang nakatira sa Tripa de Gallina “Tunnel Community”, ani ni GM Tai sa isa sa kanyang mga tagubilin na nagbibigay-prayoridad sa mga pamilyang naninirahan sa mga mapanganib na lugar at tabing-ilog.

Kaugnay nito sa loob ng mga susunod na linggo, inaasahang maililipat ang mga pamilyang ito sa ligtas, matatag at komportableng mga tahanan ng NHA sa St. Ildefonsus Housing Project sa San Ildefonso, Bulacan. Bahagi ang inisyatibong ito ng patuloy na hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga informal settler families na naninirahan sa mga danger area, daanan ng baha at iba pang mapanganib na lugar.

Kamakailan, isinagawa ang pagbisita ng mga miyembro ng “Tunnel Community” sa proyekto ng NHA sa Bulacan. Ito ay bahagi ng mga pre-relocation activities na regular na isinasagawa ng Ahensya upang mabigyan ang mga pamilyang benepisyaryo ng pagkakataong personal na makita ang kanilang magiging bagong komunidad. Layunin din nitong maipaalam sa kanila ang mga umiiral na pasilidad at mga oportunidad na naghihintay sa kanilang bagong lugar paninirahan.

Kapag handa na malipatan ang mga housing unit, nakatakdang isagawa ng NHA ang relokasyon ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa kanilang napiling proyekto ng pabahay.

Samantala muling pinagtibay ni General Manager Tai ang pangako ng NHA na magpatupad ng mga solusyon sa pabahay para sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at binigyang-diin ang patuloy na pagsisikap ng ahensya na hindi lamang magbigay ng mga tahanan kundi pati na rin ng mga oportunidad upang magkaroon ng mas maayos na kalidad ng pamumuhay ang mga pamilya.

Ang inisyatibong ito ay sumusuporta sa adhikain ng administrasyon na makapagtatag ng mga sustenableng komunidad at maisulong ang layunin ng Bagong Pilipinas, kung saan ang bawat pamilyang Pilipino ay may karapatan sa disente, ligtas, at komportableng pabahay.

Ang NHA ay kaakibat na ahensya ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here