Home NATIONWIDE Angara, kinalampag sa implementasyon ng mental health programs, pagsugpo ng bullying

Angara, kinalampag sa implementasyon ng mental health programs, pagsugpo ng bullying

2
0

MANILA, Philippines – Mistulang kinalampag ni Senate President Pro-Tempore Sherwin “Win”Gatchalian si Education Secretary Sonny Angara na mahigpit na ipatupad kaagad ang mental health program at sugpuin ang bullying sa lahat ng paaralan.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na habang inaasahan ang pagbabalik-eskuwela bukas ng humigit-kumulang 28 milyong mag-aaral sa pampublikong paaralan, dapat ipatupad nang mas maigting ang  mga programa sa pagsugpo ng bullying at mental health programs.

Binigyang-diin ng senador na nananatiling seryosong suliranin ang bullying, kasabay ng patuloy na pagkilala sa Pilipinas bilang “bullying capital of the world.”

Batay sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), isa sa bawat tatlong Pilipinong mag-aaral na 15-taong gulang ang nakaranas ng bullying ng isang beses kada linggo.

Binanggit din ni Gatchalian ang mga natuklasan ng EDCOM 2 na nagpapakitang ang bullying sa paaralan ay madalas nauuwi sa pisikal na karahasan at matinding pananakot, dahilan upang umiwas sa pagpasok sa klase ang ilang mag-aaral.

Sa ilalim ng 2026 national budget, P2.974 bilyon ang inilaan para sa School-Based Mental Health Program at sa pagtatatag ng Learner Wellness Division.

Kaugnay ito ng pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na iniakda at isinulong  ni Gatchalian.

“Habang patuloy nating tinutugunan ang krisis sa edukasyon, dapat din nating sugpuin ang bullying at palakasin ang suporta sa mental health ng ating mga mag-aaral. Nakasalalay dito ang kanilang kaligtasan, kapakanan, at kakayahang matuto nang maayos sa loob ng paaralan,” ani Gatchalian. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here