Home METRO 15 ex-NPA, supporters sa Nueva Ecija, sumuko

15 ex-NPA, supporters sa Nueva Ecija, sumuko

3
0

NUEVA ECIJA, Philippines – Labinglimang dating rebelde at mga tagasuporta ng New Peoples Army (NPA) na pawang residente ng mga bulubunduking bahagi sa bayan ng Laur, Nueva Ecija ang sumuko sa mga awtoridad.

Ang mga dating rebelde ay sabay-sabay na sumuko sa tulong ng kanilang kababayan na si Darrel Morales, mas kilala bilang si Manong DM, dating empleyado ng munisipyo. Si Manong DM ay kilala sa pagtulong  sa mga residente na nakatira sa mga remote area ng lalawigan.

Lumapit ang mga dating rebelde kay Morales para matiyak ang kanilang kaligtasan patungo sa kampo ng Regional Mobile Force Battalion ng PNP Region 3 (RMFB-PNP R3) sa Camp Olivas sa Pampanga.

Pinasalamatan ni Morales ang kanyang mga kababayan sa pagtitiwala sa kanya sa kanilang pagsuko at pakikiisa sa pamahalaan.

“Mas pinili ninyong sumuko para sa kapayapaan at magsimulang muli ng panibagong buhay kaya taos-puso ko kayong binabati,” sabi ni Manong DM.

Ayon naman kay Lt. Col. Edilmar Alviar, Force commander ng RMFB-PNP-R3, sa direktiba ni Regional Director, Police Brigadier General Jess Mendez, ay titiyakin nila ang kaligtasan ng mga sumuko.

Siniguro din niya na mabibigyan ng pangkabuhayan para sa pagsisimula ng kanilang panibagong buhay ang mga dating rebedele at ang kani-kaniyang pamilya.

Lubos naman ang pasasakamat ng mga dating rebelde sa mga awtoridad sa kanilang mainit na pagtanggap at binigay na pagkakataon para sila ay makapagbagong buhay.

“Ang tao ay may kakayahang magbago. At ang pagbabago ay nagsisimula sa isang desisyon: ang piliing bumalik sa tama. Nais kong ipaabot sa inyo na hindi pa huli ang lahat. May puwang pa kayo sa lipunan. May naghihintay na pamilya. May mga anak at nangangarap na makasama muli ang kanilang magulang. May komunidad na handang tumanggap kung kayo ay handang magsimula ulit nang tapat at mapayapa,” sabi pa ni Manong DM.

Hinimok naman ni Lt. Col. Alviar ang mga nalalabing rebelde at kanilang tagasuporta na magpasyang tahakin ang landas ng kapayapaan at titiyakin nilang hindi sila mabibigo sa pagbabalik-loob sa gobyerno. (MARINA BERNARDINO-SY)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here