Home OPINION DON’T ‘BENDALO’

DON’T ‘BENDALO’

2
0

NAGSISIMULANG mawala sa landas ang republika kapag gumagamit na ang mga opisyal ng sobrang kapangyarihan at dahas.

Kung totoo ang mga pahayag ni Senador Erwin Tulfo, hindi na lang ito simpleng pagtatalo ng mga senador. Ito ay tanong kung nananatili pa ba ang batas sa ating mga institusyon, o magiging labanan na lamang ng pananakot, personalan, at lakas politikal.

Tandaan natin na ang Senado ay hindi pribadong samahan, istudyo, boxing o basketbolan sa barangay. Isa ito sa pinakamataas na institusyon ng Saligang Batas, na may kapangyarihang nakaaapekto sa mahigit 100 milyong Pilipino.

Bawat senador, anoman ang katayuan, ay kumukuha lamang ng awtoridad sa Saligang Batas at sa sambayanan.

Kaya dapat ikabahala ang mga banta ng pag-aresto, pangunguwelyo o sapilitang pagpapaalis sa kapwa senador sa gitna ng plenaryo. Ang pagiging pangulo ng komite ay hindi isang korona o lisensyang mag-utos. Mayroon lamang silang limitadong kapangyarihan, batay sa mga tuntunin ng Senado. Wala sa batas na sila ay nagiging “hari” sa loob ng institusyon.

Isa sa pinakamabigat na kapangyarihan sa demokrasya ang pag-aresto, kaya maingat itong nililimitahan ng batas.

Ang awtoridad ay hindi gawa ng tiwala sa sarili—ito ay ibinibigay, isinasagawa, at nililimitahan ng batas. Lalong mahalaga ito kapag kapwa senador na ang sangkot. Lahat sila ay may parehong katungkulan at pinagmumulan ng kapangyarihan.

Walang retorika na makapagbibigay ng karapatang gawing pisikal na komprontasyon ang hindi pagkakaunawaan—batas lamang ang makapagpapasya. Wala sa probisyon ng Saligang Batas, sa tuntunin ng Senado, o desisyon ng Korte Suprema na may ganitong kapangyarihan.

Ang pamamayani ng batas ay nananatili hindi dahil sa lakas ng mga pinuno, kundi dahil tinatanggap nila ang limitasyon ng kanilang kapangyarihan.

Ang tunay na pamumuno ay hindi pagbabanta sa kalaban, kundi pagsunod sa Saligang Batas kahit hindi ito pabor sa sarili.

Kapag hinayaan ang pag-imbento ng kapangyarihang wala sa batas, unti-unting masisira ang mga pananggalang sa Konstitusyon.

Silid dapat ang Senado ng pangangatwiran, hindi pagbabanta at hindi dahas.

Dapat itong maging tagapangalaga ng kaayusan, hindi kalahok mismo sa pagpapahina ng institusyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here