MANILA, Philippines – Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hindi naaapektuhan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbaba ng kanyang satisfaction rating at patuloy pa rin itong nagtatrabaho.
“Kahit bumaba, hindi naaapektuhan ang Pangulo. Tuloy-tuloy ang pagtatrabaho–hindi nagbabakasyon, nagtatrabaho… So again, ang numero ng survey firms hindi po ‘yan makakaapekto sa pagtatrabaho ng Pangulo,” ani Castro sa isang press briefing sa Singapore nitong Biyernes.
Sinabi rin ni Castro na kapansin-pansin ang timing ng paglalabas ng survey dahil kasabay ito ng pagharap ni Vice President Sara Duterte sa iba’t ibang isyu.
“Very timely lang kasi ang paglabas nito dahil maraming issue na kinasasangkutan ngayon ang Bise Presidente,” ani Castro.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Huwebes, bumaba sa -11 puntos ang net satisfaction rating ni Marcos noong Setyembre 2026, mula sa -7 na neutral rating noong Hunyo.
Sa resulta ng survey, 35% ng mga adult Filipino ang nasiyahan sa performance ng Pangulo, 20% ang undecided at 46% ang hindi nasiyahan. Itinuring ng SWS na “poor” ang net satisfaction score na -11.
Gayunman, mas mataas pa rin ito kaysa sa pinakamababang rating ni Marcos na -15 na naitala noong Marso 2026. RNT/MDS