MANILA, Philipines – Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang paggalaw sa Cotabato Trench ang sanhi ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao ngayong Lunes.
Ayon kay Phivolcs research specialist Winchelle Sevilla, ang parehong trench din ang nagdulot ng 1976 Moro Gulf earthquake at tsunami na ikinamatay ng libo-libong katao.
Aniya, “Aktibo ang Cotabato Trench. Marami tayong nare-record dito na earthquakes, maliliit. In fact, last January hanggang May, nagkaroon ng mga seismic swarms. Naramdaman ito ng mga kababayan natin sa Sultan Kudarat.”
Tumama ang lindol sa karagatan, humigit-kumulang 24 kilometro sa kanluran ng Sarangani.
Ayon sa mga awtoridad, hindi bababa sa isang tao ang nasawi habang ilang gusali ang gumuho dahil sa malakas na pagyanig. Sa General Santos City, isang shopping center na may fast-food restaurant ang bumagsak, habang gumuho rin ang isang gusali ng paaralan na wala namang tao nang mangyari ang insidente.
Dahil sa lindol, naglabas din ng tsunami warning ang mga awtoridad. Ayon sa Pacific Tsunami Warning Center, posibleng magkaroon ng tsunami waves sa loob ng tatlong oras sa mga baybayin ng Pilipinas, Indonesia, Palau, Taiwan, at Papua New Guinea. RNT/MND