COTABATO, Philippines – Sinuspinde ngayong Lunes ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Cotabato City matapos maramdaman ang magnitude 7.8 na lindol sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Sinuspinde rin ang trabaho sa mga tanggapan, ministeryo, at ahensya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Bangsamoro Government Center at iba pang lugar sa lungsod upang bigyang-daan ang safety inspections at iba pang pag-iingat.
Ayon sa pamahalaang lungsod, saklaw ng suspensyon ang lahat ng antas ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, magulang, at kawani. Mananatiling bukas ang mga emergency at essential services.
Sa ilalim ng Circular No. 0096, Series of 2026, inatasan ang mga ahensya ng BARMM na magsagawa ng inspeksyon at magsumite ng ulat sa Office of the Senior Minister bago mag-alas-6 ng gabi.
Pinayagan namang magpatuloy ang operasyon ng mga ahensyang nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, disaster response, at iba pang mahahalagang serbisyo upang hindi maantala ang pagtulong sa publiko.
Hinimok ng mga opisyal ang mga residente at manggagawa na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.
Ayon sa Phivolcs, naganap ang lindol alas-7:37 ng umaga, na may sentro na 32 kilometro timog-kanluran ng Maasim, malapit sa General Santos City, at may lalim na 33 kilometro. RNT/MND