MANILA, Philippines – Mahigit 3.2 milyong mag-aaral at halos 129,000 guro at non-teaching personnel ang naapektuhan matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa timog-kanluran ng Maasim, Sarangani nitong Lunes ng umaga, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa DepEd Situation Report No. 2 na inilabas pasado tanghali, nangyari ang lindol alas-7:37 ng umaga na may epicenter na humigit-kumulang 32 kilometro timog-kanluran ng Maasim, Sarangani at lalim na 33 kilometro.
Ayon sa ahensya, itinuturing itong malakas na tectonic earthquake na maaaring magdulot ng malaking pinsala at magpasimula ng mga aftershocks.
Iniulat ng DepEd na apektado ang 3,239,964 learners, 128,861 teaching at non-teaching personnel, at 6,224 pampublikong paaralan sa 33 school divisions sa Regions IX, X, XI, XII, at Caraga Region.
Bilang pag-iingat, sinuspinde ang mga klase habang isinasagawa ang inspeksyon sa mga silid-aralan at iba pang pasilidad ng paaralan. Nagpatupad din ng evacuation at koordinasyon ang mga paaralan sa mga LGU at disaster offices.
Ayon sa ulat, ang pinakamalakas na pagyanig ay naitala sa Intensity VII sa General Santos City, habang Intensity VI sa Palimbang at Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat. Intensity V naman sa ilang bahagi ng Davao, Cotabato, Sultan Kudarat, at Zamboanga del Norte, at Intensity VIII sa Malapatan, Sarangani base sa instrumental monitoring.
Nag-ulat din ng tsunami warnings at precautionary evacuations sa ilang baybaying lugar sa southern Mindanao. May mga ulat ng pinsala sa gusali, tulay, at iba pang imprastraktura sa Sarangani at General Santos City habang patuloy ang beripikasyon ng casualties at pinsala.
Ayon sa DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service, patuloy ang monitoring at naka-activate ang earthquake contingency plans ng mga paaralan.
Iniutos din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno para sa disaster response, pre-positioning ng relief goods, at paghahanda ng evacuation centers para sa mga apektadong residente. RNT/MND