Home METRO Mga negosyante sa maynila, pinag-iingat sa pekeng inspektor; pangingikil agad ireport

Mga negosyante sa maynila, pinag-iingat sa pekeng inspektor; pangingikil agad ireport

5
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga negosyante laban sa mga nagpapanggap na inspector ng Bureau of Permits na umano’y ginagamit ang kanilang pekeng pagkakakilanlan upang mangikil at manggipit sa mga may transaksiyon sa pamahalaang lungsod.

Kasunod ito ng direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kay Bureau of Permits Director Levi Facundo na paigtingin ang pagbibigay ng paalala sa mga business owners na maging mapanuri sa mga indibidwal na nagpapakilalang permit inspector habang nagpoproseso ng business permits, lisensiya, at iba pang dokumento sa city hall.

Ayon sa Manila Public Information Office (MPIO), lumutang sa social media ang larawan ng isang lalaki na kinilalang si Albert A. Torres na umano’y nagpapakilalang inspector ng Bureau of Permits at nagsasagawa ng inspeksiyon sa ilang establisimyento sa Binondo.

Napag-alaman na may ipinakikitang identification card ang suspek upang patunayang siya ay isang Business Permit Inspector. Gayunman, agad na nakatawag-pansin ang maling pagkakasulat sa apelyido ng alkalde na nakalagay bilang “DOMGUSO,” na indikasyong hindi ito lehitimong dokumento mula sa pamahalaang lungsod.

Binigyang-diin ni Facundo na ang lahat ng opisyal na bayarin kaugnay ng permit at iba pang transaksiyon ay dapat lamang isagawa sa Taxpayers Business Lounge ng City Treasurer’s Office sa Manila City Hall o sa pamamagitan ng GoManila App.

Pinaalalahanan din niya ang mga negosyante na huwag magbigay ng pera o anumang kabayaran sa mga taong lumalapit at nagpapakilalang inspector nang walang sapat na beripikasyon mula sa city government.

Hinimok naman ng Bureau of Permits ang publiko na agad ireport sa kanilang tanggapan o sa Manila Police District (MPD) ang anumang kahina-hinalang gawain upang agad itong maimbestigahan at mapanagot ang mga nasa likod ng panloloko.

Ayon sa city government, bahagi ito ng patuloy na kampanya ng administrasyon laban sa katiwalian at mga iligal na aktibidad na naglalagay sa panganib sa mga negosyante at sa integridad ng serbisyo publiko sa Maynila. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here