Home NATIONWIDE Bilang ng mga nasawi sa lindol sa Mindanao, umakyat sa 37

Bilang ng mga nasawi sa lindol sa Mindanao, umakyat sa 37

4
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 37 ang nasawi, habang 479 ang sugatan at apat ang nawawala matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Maasim, Sarangani noong Lunes ng umaga, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, 33 ang nasawi, 456 ang sugatan, at apat ang nawawala sa Soccsksargen. Samantala, apat ang namatay at 23 ang nasugatan sa Davao Region.

Niyanig ng lindol ang Mindanao alas-7:37 ng umaga noong Hunyo 8 at naramdaman ito sa iba’t ibang lugar sa Mindanao at Eastern Visayas, na may Intensity I hanggang VIII.

Nagpalabas ng tsunami warning ang mga awtoridad matapos ang lindol at nagsagawa ng mga paglikas sa mga baybaying komunidad. Kalaunan ay binawi rin ang babala matapos mamonitor ang kalagayan ng dagat.

Ayon sa NDRRMC, “A total of 19,529 families or 88,000 persons were affected,” sa Regions IX, XI, XII at BARMM.

Sa bilang na ito, 5,343 pamilya o 19,635 katao ang nananatili sa 39 evacuation centers, habang 264 pamilya o 1,055 katao ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation center.

Ipinakita ng paunang pagsusuri na 127 pasilidad ang napinsala, na may tinatayang halagang P15 milyon. Sampung bahay din ang naitalang nasira sa Regions IX, XI at BARMM.

Sinuspinde rin ang klase sa 182 lungsod at munisipalidad, habang itinigil ang trabaho sa 123 local government units habang nagpapatuloy ang inspeksyon sa mga gusali.

Nanatiling sarado sa mga commercial flight ang General Santos City International Airport hanggang Martes ng umaga.

Patuloy pa rin ang beripikasyon ng mga ulat ng pinsala at bilang ng mga biktima habang sinusuri ng mga response team ang kabuuang epekto ng lindol. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here