Home NATIONWIDE Ilang pasyente sa labas ng ospital ginagamot matapos masira mga pasilidad dahil...

Ilang pasyente sa labas ng ospital ginagamot matapos masira mga pasilidad dahil sa M7.8 lindol sa Mindanao

4
0

MANILA, Philippines – Patuloy na ginagamot sa labas ng mga ospital ang ilang pasyente matapos masira ang mga pasilidad dahil sa magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, ayon sa Department of Health (DOH).

Personal na binisita ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang Dr. Jorge P. Royeca City Hospital at Sarangani Provincial Hospital matapos ang lindol.

“Nasa pasilyo pa ang ating mga pasyente at nasa labas. Dahil hindi pa na-declare na safe ibalik sa building,” ani Herbosa.

Dahil sa pinsala at pangamba sa kaligtasan ng mga gusali, inilikas ang mga pasyente at pansamantalang itinigil ang ilang serbisyo ng mga ospital.

Ang mga pasyente sa dalawang ospital ay inilipat sa mga tolda sa labas matapos payuhan ng mga structural engineer na huwag munang gamitin ang mga gusali.

Mahigit 100 pasyente sa Sarangani, kabilang ang ilan na nasa intensive care unit (ICU), ang pansamantalang nananatili sa mga outdoor shelter habang sinusuri ang kaligtasan ng mga gusali.

Kabilang sa mahigpit na mino-monitor ang ilang kritikal na pasyente na naka-ventilator at mga sanggol na nasa incubator.

Patuloy ang inspeksyon ng mga engineer mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang malaman ang lawak ng pinsala.

“Hindi ako structural engineer, ang tingin ko hindi naman permanent. Puwede siguro makabalik doon. So yun yung pinapa-confirm lang namin sa DPWH,” sabi ni Herbosa.

Sa General Santos City, isang pampublikong ospital at walong iba pang health facility ang naapektuhan, ngunit hindi naman malubha ang pinsala.

Gayunman, nagkaroon ng problema sa suplay ng kuryente at paulit-ulit na brownout, kaya napilitang umasa sa mga generator ang mga ospital. Dahil dito, limitado ang paggamit ng mga kagamitang medikal tulad ng CT scan at X-ray.

Pansamantalang itinigil ang mga serbisyong hindi pang-emergency upang mabigyang prayoridad ang mga kritikal na pasyente. Ang mga pasyenteng maayos na ang kalagayan ay pinauwi muna upang magpagaling sa kanilang mga tahanan.

Ayon kay Herbosa, walang naiulat na malaking pinsala sa mga kagamitang medikal, ngunit hindi sapat ang generator power para sa tuloy-tuloy na operasyon ng ospital.

“Hindi mapaandar ang ibang equipment kung generator power lang. So yun ang mga limitation namin,” aniya.

Nagpadala rin ang DOH ng karagdagang mga medical personnel mula Davao at Cotabato, gayundin ng dalawang truck ng gamot at iba pang suplay mula Davao at Zamboanga para sa mga apektadong lugar.

Magpapadala rin ang DOH ng mga psychosocial team upang tulungan ang mga pasyente at pamilyang nakaranas ng trauma dahil sa lindol, lalo na ang mga batang nasugatan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here