WELLINGTON, New Zealand – Inilikas ng mga awtoridad ang daan-daang residente mula sa kanilang mga bahay sa tabing-dagat sa kabisera ng New Zealand na Wellington nitong Martes matapos tumama ang malalaking alon na aabot sa 11 metro (36 feet).
Nagdeklara ng state of emergency si Wellington Mayor Andrew Little para sa mga residente sa Owhiro Bay, Island Bay, Houghton Bay, at Breaker Bay bago pa man dumating ang malalakas na alon.
“You must stay away from the southern coastline,” babala ni Little, at iginiit na hindi tutulong ang mga emergency worker sa mga maiiwan sa lugar.
Ipinatupad ang evacuation order nitong Martes ng umaga, kung saan tumulong ang pulisya upang mailipat ang mga tao sa mas ligtas na lugar.
Naglagay rin ng mga cordon ang mga awtoridad sa mga kalsada upang pigilan ang paglapit ng publiko sa baybayin.
Ayon sa lokal na konseho, may kahalintulad na insidente noong 2021 sa Breaker Bay ngunit mas malaki ngayon ang mga alon na umabot lamang noon sa humigit-kumulang 6.5 metro.
Iniulat ng MetService ng New Zealand na umabot sa 11 metro ang mga alon sa Wellington Harbour. RNT/MND