COTABATO, Philippines – Ipinag-utos ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang muling pagbabalik-trabaho ng mga kawani ng pamahalaan sa rehiyon matapos ideklarang ligtas ang lahat ng government office buildings kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Sa kanyang pahayag nitong Martes, pinaalalahanan ni Macacua ang mga empleyado na manatiling maingat at alerto.
“All BARMM employees are also reminded to always remain vigilant and cautious,” aniya.
Nitong Lunes ng umaga, tumama ang lindol sa Soccsksargen Region at naramdaman sa ilang bahagi ng BARMM, kabilang ang Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Cotabato City, kung saan umabot sa Intensity V ang pagyanig.
Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ang trabaho sa mga tanggapan upang masuri ang kaligtasan ng mga gusali at matiyak ang kapakanan ng mga empleyado at publiko.
Ayon sa ulat mula sa Ministry of Public Works (MPW), walang natamong pinsala ang mga gusali sa Bangsamoro government center (BGC), kaya’t ibinalik ang operasyon ng mga opisina.
“I likewise advise all personnel working at the BGC and other government offices to remain alert for possible aftershocks and strictly observe established safety protocols,” dagdag ni Macacua.
Pinayuhan din niya ang mga tanggapan sa labas ng BGC na sumunod sa mga abiso ng kani-kanilang local government units.
Ayon pa sa opisyal, mahalagang manatiling kalmado, handa, at alerto habang patuloy ang monitoring sa sitwasyon. RNT/MND