PANGASINAN, Philippines – Hindi nagawang makaligtas sa kalawit ni Kamatayan ang isang 20-anyos na lalaki matapos mabangga ng mini dump truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Alipangpang, Pozorrubio ng lalawigang ito kahapon, Hunyo 8.
Ayon sa Pozorrubio Municipal Police Station, ang driver ng Honda Click motorcycle at ang 37-anyos na lalaking driver ng Isuzu mini dump truck ay parehong residente ng naturang bayan.
Lumalabas sa imbestigasyon na parehong bumibiyahe papuntang hilagang direksyon sa national highway sa naturang lugar ang mga nabanggit na sasakyan.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, nasa aktong magsasagawa umano ng left turn ang motorsiklo nang aksidenteng mabunggo ito ng Isuzu mini dump truck.
Sugatan ang driver ng motorsiklo samantalang hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng mini dump truck.
Isinugod sa ospital ang driver ng motorsiklo ngunit idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso