MANILA, Philippines – Inutusan ng Sandiganbayan Third Division ang isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isumite ang audit log ng application na ginagamit sa monitoring ng mga infrastructure project, kabilang ang tala kung sino ang naglagay at nagbago ng datos sa P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Si Associate Justice Fritz Bryn Delos Santos ang nag-utos kay DPWH Information Management Service Director Rhalf Cawaling, na tumestigo sa kasong malversation ng dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng umano’y ghost flood control project.
Sa pagdinig, tinanong ng korte kung sino ang may access sa Project and Contract Management Application (PCMA), ang system na ginagamit ng DPWH sa pagmo-monitor ng mga proyekto.
Ayon kay Cawaling, ang project engineer ang may awtoridad na mag-encode ng progress ng proyekto sa PCMA.
Nang tanungin kung may record ng pagbabago sa sistema, sinabi niyang may audit log ang application na maaaring magpakita kung sino ang gumawa ng pagbabago sa project data.
Dahil dito, inutusan siya ng korte na isumite ang naturang audit log, na sinabi niyang ibibigay kung ito ay available.
Ayon sa mga taga-Ombudsman, sina Revilla at ilang opisyal ng DPWH Bulacan First District Engineering Office ay pinaghihinalaang nagsabwatan sa falsification ng accomplishment reports at billing documents para sa proyekto na iniulat na 95% nang tapos.
Itinanggi ni Revilla ang mga paratang at tumangging mag-enter ng plea sa kanyang kasong malversation. RNT/MND