Home METRO 63 sakay ng motorboat sa Sulu, nailigtas ng PCG

63 sakay ng motorboat sa Sulu, nailigtas ng PCG

2
0

MANILA, Philippines – Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard o PCG at ng mga partner agency ang 63 sakay ng motorboat na napadpad  sa karagatan malapit sa Sulu nitong Lunes ng gabi, ayon sa ulat ng mga awtoridad nitong Martes.

Ayon sa Coast Guard Station o CGS-Eastern Sulu, natagpuan ang distressed vessel na M/B Queen Shaima 5 bandang 7:55 ng gabi sa karagatan ng Bitinan, Luuk, Sulu.

Sa imbestigasyon, nagka-mechanical failure ang M/B Queen Shaima 5 habang bumibiyahe mula Zamboanga City papuntang Sulu. 

Bagama’t tinulungan muna ito ng isang dumaraang lokal na motorboat, naalerto ang CGS-Eastern Sulu at agad na nagpadala ng search and rescue o SAR team.

IIniskortan ang sasakyang pandagat  papuntang Allayon Port sa bayan ng Luuk, at ligtas na nakarating ito nang 10 ng gabi.

Tinulungan ang SAR team ng Luuk Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection o BFP, at mga sundalo mula sa 101st Infantry Battalion o 101IB.

“Dahil sa pinagsamang pagtugon ng mga ahensyang rumesponde, ligtas na nailipat at natulungan ang lahat ng pasahero sa Allayon Pier, Luuk, Sulu,” sabi ng 101IB.

Samantala, inalis na ng CGS-Eastern Sulu nitong Martes ang suspensyon sa mga biyahe ng bangka mula Luuk, Omar, at Banguingui sa Sulu patungong Zamboanga City at pabalik. 

Ipinatupad ang suspensyon kasunod ng tsunami warning na inilabas ng DOST-Phivolcs matapos ang malakas na lindol nitong Lunes. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here