Home METRO P4.1M makinaryang pansaka, magpapalakas sa kabuhayan ng mga ARBO sa rehiyon ng...

P4.1M makinaryang pansaka, magpapalakas sa kabuhayan ng mga ARBO sa rehiyon ng Davao

1
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mapapabilis at mas episyente ang iaasahang pagsasaka ng libu libong Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na miyembro ng iba’t ibang ARB Organizations (ARBOs) sa Rehiyon ng Davao matapos ipagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang ₱4.1 milyong halaga ng mga makinarya at kagamitang pansaka.

Ito’y matapos ang isinagawang pamamahagi ng electronic land titles (e-titles) at Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs), bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DAR na hindi lamang maipagkaloob ang pagmamay-ari ng lupa sa mga benepisyaryo kundi mapabuti rin ang kanilang kabuhayan.

Sinabi ni DAR Regional Director Joseph Orilla, MPSA, makatutulong ang mga makabagong kagamitan upang mabawasan ang gastos sa produksyon, mapabilis ang mga gawaing sakahan, at mapataas ang kita ng mga magsasaka.

“Hindi nagtatapos sa pamamahagi ng lupa ang repormang agraryo. Mahalaga ring matiyak na may sapat na kagamitan at suporta ang ating mga magsasaka upang maging mas produktibo, matatag, at kumikita ang kanilang mga sakahan,” ani Orilla.

Kaugnay nito sa Davao del Norte, tumanggap ang Gravity Irrigators Service Association, Inc. (GISA) ng Rice Combine Harvester sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program–Major Crop-Based Farmers Productivity Program (CRFPSP-MCBFP). Inaasahang mapapabilis nito ang pag-aani at mababawasan ang pagkalugi matapos ang anihan.

Tumanggap naman ng hand tractors na may kumpletong implemento ang Hidden Paradise Banana Producers Cooperative (HPBPC) at ang Braulio E. Dujali New Casay Irrigators Association (BEDUCASIA), Inc. upang mapadali ang paghahanda ng lupa at iba pang gawain sa pagsasaka.

Kasunod nito nagkaloob din ang DAR ng Coconut Coir Decorticator sa Sto. Niño PCA Small Farmers Association, Inc., na magbibigay ng dagdag na pagkakakitaan sa mga miyembro sa pamamagitan ng pagproseso ng mga produktong mula sa bao ng niyog.

Samantala, isang three-wheel pickup-type vehicle ang ipinagkaloob sa Soriano Fruit Agrarian Reform Beneficiary Multi-Purpose Cooperative (SFARBEMCO) sa ilalim ng Project on Agrarian and Agricultural Productivity Enhancement (PAHP). Makakatulong ito sa mas mabilis at mas maayos na paghahatid ng kanilang mga ani sa mga pamilihan at mamimili.

Sa Davao Oriental, tumanggap naman ang Taytayan Irrigators Marketing Cooperative (TIMCO) sa bayan ng Cateel ng isang 35-horsepower farm tractor na may kumpletong implemento upang higit pang mapaunlad ang mekanisasyon sa pagsasaka at mapataas ang produksyon ng kanilang mga miyembro. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here