Home NATIONWIDE Pagkamatay ng dalawang Ateneo players pinaiimbestigahan sa Kamara

Pagkamatay ng dalawang Ateneo players pinaiimbestigahan sa Kamara

4
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang miyembro ng House of Representatives para sa masusing imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang manlalaro ng Ateneo de Manila University men’s basketball team na nalunod sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.

Sa pahayag noong Martes, iminungkahi ni Manila Rep. Joel Chua na pangunahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon dahil sa kakayahan nito sa forensic examination at fact-finding investigations.

Kinilala ng Ateneo na sina Rene Baterbonia, 19, at Divine Adili, 21, ay nasawi matapos malunod habang nasa team-building activity ng koponan.

Si Baterbonia ay bagong recruit ng Blue Eagles at kamakailan lamang ay naglaro sa Palarong Pambansa finals, habang si Adili, isang Nigerian student-athlete, ay naglaro para sa Ateneo sa UAAP Season 88.

“The NBI has some of the most experienced forensic and fact-finding investigators in the country. They must establish a clear timeline of events and determine exactly what happened,” ani Chua.

Dagdag pa niya, mahalagang malaman kung sino ang nagdesisyon sa mga aktibidad, anu-anong safety measures ang ipinatupad, at kung nasunod ba ang mga umiiral na protocol.

“Hindi ako nag-aakusa sa sinuman sa ngayon. Ngunit kailangang masagot ang lahat ng lehitimong tanong at masuri ang bawat anggulo ng insidente,” aniya.

Samantala, sinabi nina Deputy Speakers Paolo Ortega V, Jefferson Khonghun, at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ng House Young Guns bloc na magsusumite sila ng resolusyon upang magkaroon ng congressional inquiry sa trahedya.

Ayon sa grupo, layunin ng imbestigasyon na suriin ang mga umiiral na safety protocols, risk assessment procedures, supervision standards, emergency preparedness, at iba pang salik na maaaring nag-ambag sa insidente.

“Ang layunin namin ay makabuo ng mga panukalang batas o amyenda sa umiiral na mga batas upang maipatupad ang mas mahigpit na safety standards sa lahat ng school, sports, at team-building activities sa buong bansa,” pahayag ng House Young Guns.

Nanawagan din si Chua sa mga organizer na makipagtulungan sa mga imbestigador at tiyaking walang pagtatakip sa nangyari.

“Pinagkakatiwalaan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga coach, paaralan, at training camps. Utang natin sa bawat pamilyang Pilipino na malaman ang buong katotohanan at matiyak na hindi na ito mauulit,” aniya.

Nauna nang nagpahayag ng kaparehong panawagan si Pinoy Workers Party-list Rep. Karl Fernandez Legazpi, na nagsabing dapat magsilbing paalala ang insidente na kasabay ng pagsasanay sa disiplina at katatagan ng mga student-athlete ay dapat ding tiyakin ng mga institusyon ang pinakamataas na antas ng kaligtasan, pangangalaga at pananagutan.

Batay sa paunang ulat ng Police Regional Office 3, sina Baterbonia at Adili ay naligo sa dagat at tinangay ng malakas na alon patungo sa mas malalim na bahagi ng tubig, na naging sanhi ng kanilang pagkalunod. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here