DAVAO OCCIDENTAL, Philippines – Idineklara ng Municipal Council ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental ang state of calamity noong Martes matapos ang 7.8-magnitude na lindol na nagdulot ng landslides at ikinamatay ng pitong residente.
Ayon kay Mayor Jason John Joyce, patuloy ang damage assessment, rescue, at relief operations sa mga apektadong komunidad. Iniulat niya na may pitong kumpirmadong nasawi, pitong nawawala, at 25 sugatan, kung saan karamihan ng casualties ay dulot ng landslides.
Nakapagbigay na rin ng relief goods sa mga pamilyang nasiraan ng bahay sa tulong ng Department of Social Welfare and Development-Davao (DSWD-11).
Malaki rin ang pinsala sa imprastraktura dahil sa mga landslide, kabilang ang mga kalsada. Ang national highway na nag-uugnay sa mga barangay ay hindi pa madaanan, at kalahati ng mga barangay ay walang kuryente matapos matumba ang mga poste.
Nagbigay rin ng tulong pinansyal ang DSWD-11 sa mga pamilya ng mga nasawi, kung saan tig-P20,000 ang ipinamahagi bilang cash assistance, kasama ang psychosocial support at iba pang serbisyo. Patuloy ang koordinasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan para sa maayos na pamamahagi ng ayuda. RNT/MND