Home NATIONWIDE Pre-trial ng impeachment vs VP Sara, normal lang na sarado sa publiko...

Pre-trial ng impeachment vs VP Sara, normal lang na sarado sa publiko — Luistro

5
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Batangas Rep. Gerville Luistro na walang kakaiba sa desisyon ng Senate Impeachment Court na isara sa publiko at media ang pre-trial conference ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, normal lamang sa mga ordinaryong hukuman na ang pre-trial conference ay isinasagawa lamang sa pagitan ng mga partido dahil mahaba at matrabaho ang proseso, lalo na sa pagmamarka ng ebidensya at pag-aayos ng mga isyu.

Sinabi niya na ang mga napagkasunduan sa pre-trial ay ilalahad pa rin sa aktuwal na paglilitis, kaya hindi umano nawawala ang transparency sa proseso.

Gayunman, sinabi rin ni Luistro na hihingi pa rin sila ng paglilinaw kung talagang hindi papayagang makasubaybay ang media sa naturang pre-trial.

Ayon sa notice ng Senate Impeachment Court, ang pre-trial conference na nakatakda sa Hunyo 18 ay tatalakayin ang mga sumusunod:

–Paglilinaw at pagsang-ayon sa mga facts

–Pagmamarka ng ebidensya

–Pagkilala sa mga testigo

–Pagtatakda ng iskedyul ng paglilitis

–Ayos ng presentasyon ng ebidensya

–Iba pang usaping magpapabilis at magpapaganda ng trial

Nilinaw ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian na sarado sa media at publiko ang pre-trial upang mabigyan ng sapat na luwag ang magkabilang panig sa paghahanda ng kaso.

Si Duterte ay muling na-impeach noong Mayo 11 matapos ang boto ng 257 kongresista pabor sa Articles of Impeachment. Ang mga kaso ay kinabibilangan ng:

–Umano’y maling paggamit ng confidential funds

–Umano’y hindi maipaliwanag na yaman

–Umano’y panunuhol sa mga opisyal ng DepEd

–At umano’y seryosong banta laban sa mga matataas na opisyal ng bansa

Nakatakdang magpatuloy ang proseso ng impeachment trial sa mga susunod na buwan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here