Home NATIONWIDE Araw ng Kalayaan, uulanin sa habagat — PAGASA

Araw ng Kalayaan, uulanin sa habagat — PAGASA

3
0

MANILA, Philippines — Posibleng makaranas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon ngayong Biyernes, Araw ng Kalayaan, dahil sa patuloy na pagdadala ng cloud bands ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.

Ayon sa PAGASA, mataas ang tsansa ng ulan at pagkidlat-pagkulog sa Ilocos Norte, Apayao, Batanes, at Babuyan Islands. Maaari ring makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Sa kabila nito, nilinaw ng Pagasa na wala pang namo-monitor na low pressure area o bagyo sa loob o malapit sa Philippine area of responsibility.

Inaasahang bahagyang magpapababa ng temperatura ang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon. Tinatayang nasa 26 hanggang 31 degrees Celsius ang temperatura sa Laoag, 17 hanggang 24 degrees sa Baguio City, 24 hanggang 32 degrees sa Tagaytay, 26 hanggang 33 degrees sa Puerto Princesa, at 27 hanggang 34 degrees sa Metro Manila.

Samantala, mananatiling mainit ang panahon sa Tuguegarao at Legazpi, na maaaring umabot sa 35 degrees Celsius ang temperatura. Mainit din ang inaasahang panahon sa Visayas at Mindanao, kabilang ang Iloilo, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Cagayan de Oro, at Davao City.

Wala namang nakataas na gale warning, ngunit inaasahang magiging katamtaman ang kondisyon ng karagatan sa northern seaboard ng Luzon, na may alon na aabot sa 1.2 hanggang 2.5 metro. Sa natitirang karagatan ng bansa, bahagya hanggang katamtaman ang magiging kondisyon ng dagat. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here