DASMARIÑAS, Cavite — Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa Hulyo 15 hanggang 17, 2026 ang paghahain ng certificates of candidacy para sa special election sa 4th District ng Cavite.
Inanunsyo ito ni Comelec chairperson George Garcia nitong Huwebes sa isinagawang coordination meeting kasama ang mga stakeholder sa Dasmariñas City. Magsisimula naman ang election period sa Hulyo 30, habang gaganapin ang special election para sa bakanteng puwesto ng district representative sa Agosto 29.
Ayon kay Garcia, pinag-aaralan ng Comelec ang realignment ng kasalukuyang budget nito para pondohan ang special polls, na nangangailangan ng tinatayang P191 milyon.
“Siguro pwedeng malapit na aming gawin, base sa aming pagpupulong, ay mag re-realign kami ng budget mula sa existing budget,” pahayag ni Garcia. “Magtitipid kami. Kasama yan sa contingency,” dagdag pa niya.
Hiniling din ng Comelec na ideklarang holiday ang Agosto 29 upang mas maraming botante ang makaboto. Target ng poll body na maiproklama ang mananalong kandidato kinabukasan, Agosto 30.
Gagawin nang mano-mano ang special election. Nauna nang sinabi ni Garcia na sinusuri ng finance department ng Comelec ang pondo nito, ngunit hindi pa maaaring magdeklara ng savings dahil hindi pa tapos ang taon at nagpapatuloy pa ang mga procurement activity.
“Walang pang halos savings. Magkaka-savings ka lamang kapag natapos na ang taon, at the same time, pag natapos na ‘yung aktibidad,” ani Garcia. “Ngayon, ang ongoing procurement namin, and therefore hindi pa ito yung tamang panahon na mag-deklara ng savings.”
Samantala, sinabi ni Dasmariñas Vice Mayor Elpidio Barzaga III, kapatid ng pinatalsik na mambabatas na si Francisco “Kiko” Barzaga, na may ideya siya kung sino ang tatakbo sa nabakanteng puwesto ngunit tumangging magbigay ng detalye.
“I think it’s best to hear it not only from my family members but from all the candidates who plan to run. It’s best to hear it from themselves na lang in respect for them, their political strategy,” ani Barzaga.
“So, I have a idea po on who will be running but I think it’s best to hear it from the candidates themselves when they wanted to declare it,” dagdag niya.
Nabakante ang puwesto ng kinatawan ng 4th District ng Cavite matapos patalsikin ng House of Representatives si Kiko Barzaga dahil sa disorderly behavior at conduct unbecoming of a House member, kabilang ang paulit-ulit umanong hindi pagtupad sa kanyang tungkulin bilang mambabatas.
Ayon kay House ethics panel chairperson at 4Ps party-list Rep. JC Abalos, expulsion ang tanging angkop na parusa matapos umanong hindi magbago si Barzaga sa kabila ng dalawang 60-day suspension without pay. RNT