MANILA, Philippines – “Huwag po tayong mapagod na mahalin, piliin, at ipaglaban ang Pilipinas.”
Ito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga filipino matapos pangunahan ang paggunita sa ika-128 anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipnas at Parada ng Kalayaan 2026 sa Rizal Park, Lungsod ng Maynila, araw ng Biyernes, Hunyo 12.
Sa naging talumpati ng Pangulo, hinikayat niya ang bawat filipino na palalimin ang kamalayan at maging mapanuri sa katotohanan.
“Gamitin natin sa tama ang ating kakayahan, hindi sa masama. Lumaban nang patas sa araw-araw. Huwag pagsamantalahan ang pinagpaguran ng iba. At piliin natin ang ikabubuti ng bayan laban sa interes ng iilan,” ayon pa rin sa Pangulo.
Kung mananatili aniyang tapat ang bawat filipino sa mga adkihaing ito ay makatitiyak ang lahat na magmamana ang mga susunod na henerasyon ng isang bansa na mas matatag, mas makatarungan, at mas maunlad.
“Tandaan natin na ang kapayapaan, kasarinlan, at kalayaan na ating tinatamasa sa ngayon ay tinubos ng dugo ng mga nauna sa atin.
Nawa’y magsilbing bigkis ang ating bandila, ang ating Pambansang Awit, at ang ating pagka-Pilipino sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas,” aniya pa rin.
Sa loob aniya ng lagpas tatlong daang taon ay naging kolonya ang bansa. Sa ilalim ng pamumuno ng dayuhan, dinanas ng mga ninuno ang kahirapan, kawalan ng katarungan, at pang-aapi.
“Ang pagnanais natin na makamit ang hustisya at pagkakapantay-pantay ang siyang nagtulak sa lahing Pilipino na mag-alsa laban sa pamamahala ng dayuhan,” aniya pa.
“Sina Tamblot, Sumuroy, Dagohoy, at Diego at Gabriela Silang ay ilan lamang sa mga naunang lumaban sa mga dayuhan. Ang pag-aalsa sa Bohol, sa Piddig, Ilocos Norte, at sa Cavite ay senyales ng maigting na pagnanais ng ating mga ninuno na maging malaya. Subalit, dahil sa pagkakahiwalay at kawalan ng iisang layunin, hindi sila nagtagumpay,” ang pahayag nito.
“Sa ilalim ng Katipunan, nagawa ni Gat Andres Bonifacio at ng mga Katipunero na pag-isahin ang bayan tungo sa isang adhikain at isang laban.
Ipinagpatuloy ni Heneral Emilio Aguinaldo ang pakikibaka.At tangan lamang ang pananampalataya, pagmamahal, at kabayanihan, itinaasang ating watawat sa Kawit, Cavite na makasaysayang araw noong 1898,” ang pagbabalik-tanaw pa rin ng Pangulo.
Dito aniya ay ipinahayag sa buong mundo ang hangarin ng mga filipino na mamuhay bilang isang malaya at nagsasariling bansa.
“Mula sa araw na iyon, itinatag natin ang Republika ng Pilipinas.Naitayo natin ang mga institusyong na nagsisilbi sa mamamayan. At nabigyan tayo ng pagkakataong hubugin ang ating kinabukasan,” aniya pa rin.
“Matapos ang mahigit isang siglo mula ng makamit natin ang kalayaan, ano na ang nagawa natin sa kalayaang kanilang ipinaglaban?
Sapagkat hindi sapat na lingunin lamang natin ang nakaraan. Kailangang magsilbing pundasyon ang mga aral nito sa ating kasalukuyan at sa ating kinabukasan.Ang ating kasaysayan ay nagturo sa atin nasa pag-kakaisa lamang makakamit ang kasarinlan; Na ang tunay na mga pinuno ay yaong nagsasakripisyo ng sariling interes para sa ikabubuti ng bayan, na ang kalayaan ay dapat inaalagaan,” litaniya ng Pangulo.
Kaya nga hinikayat ng Pangulo ang bawat mamamayang filipino na gamitin ang mga aral na ito upang mapaunlad ang bansa at mapalawig ang kasarinlan.
Inamin ng Pangulo na maraming hamon sa kalayaan at kaunlaran ng bansa at ng bawat filipino.
“Nandiyan ang mga katiwalian, pagkakakanya-kanya, at kahirapan. Nandiyan din ang mga pandaigdigang kaganapan at banta ng tinatawag na climate change at kalikasan. Ngunit, sa kabila ng mga ito, nananatili ang aking paniniwala at pag-asa sa galing, sipag, at kabutihan ng ating lahi, ng lahing Pilipino,” anito.
“Sa maraming pagkakataon, naipakita natin ang ating kakayahan na manindigan para sa tama, na magmalasakit sa kapwa; na bumangon sa harap ng pagsubok. Lalo na sa panahon ng kalamidad, naipapakita natin ang ating pagkakaisa, pagtutulungan, at ang ating malasakit,” dagdag na wika nito. (Kris Jose)