Home NATIONWIDE Trump umatras sa planong pag-atake sa Iran; peace talks, umuusad

Trump umatras sa planong pag-atake sa Iran; peace talks, umuusad

1
0

WASHINGTON/DUBAI — Kinansela ni US President Donald Trump ang nakatakdang panibagong military strikes laban sa Iran matapos niyang sabihin na napagkasunduan na ang “final points” ng isang paunang kasunduan para sa kapayapaan.

Inanunsyo ito ni Trump ilang oras lamang matapos niyang magbanta ng ikatlong magkasunod na gabi ng pag-atake ng Estados Unidos sa Iran.

“Discussions and final points have been, in both concept and great detail, approved by all parties involved,” pahayag ni Trump sa social media.

“The Naval Blockade will remain in full force and effect until this Transaction is finalized — Time and place of the signing to be announced shortly,” dagdag niya.

Wala pang agarang kumpirmasyon mula sa Iran. Ayon sa semi-official na Fars News Agency, hindi pa umano inaprubahan ng Tehran ang anumang pinal na kasunduan.

Gayunman, sinabi ng mga Iranian at Western sources na mas pinaigting na ang mga pagsisikap upang makabuo ng isang interim agreement. Nananatili ring umiiral ang isang marupok na ceasefire mula pa noong unang bahagi ng Abril.

Ayon sa tatlong Iranian sources, may nabuo nang political understanding ngunit may ilang mahahalagang detalye pang dapat plantsahin, kabilang ang pagpapalaya sa bilyun-bilyong dolyar na kita ng Iran mula sa langis na nakapirmi sa mga bangko sa ibang bansa.

Batay sa ulat, pansamantalang luluwagan ng kasunduan ang kontrol ng Iran sa Strait of Hormuz at tatapusin ang blockade ng Estados Unidos sa mga pantalan ng Iran. Ang mga usapin hinggil sa nuclear program ng Iran at stockpile nito ng enriched uranium ay tatalakayin pa sa mga susunod na negosasyon.

Sinabi ni Trump na inaprubahan na ng matataas na lider ng Iran ang kasunduan at sinuportahan ito ng mga bansa sa rehiyon kabilang ang Israel, Saudi Arabia, Qatar, at United Arab Emirates.

Nagsimula ang sigalot matapos ang airstrikes ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28. Libo-libong katao na ang nasawi, karamihan sa Iran at Lebanon, habang naapektuhan din ang pandaigdigang merkado ng langis. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here