MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang mga exporter at opisyal ng pamahalaang panlalawigan sa Negros Occidental matapos suspindihin ng Estados Unidos ang pag-angkat ng crab meat products mula sa Pilipinas, na epektibo noong Hunyo 11.
Ayon sa Philippine Exporters Confederation Inc. (PhilExport) Negros Chapter, maaaring maapektuhan ng ban ang kabuhayan ng libo-libong manggagawa at komunidad ng mangingisda sa buong bansa.
“We call for the immediate engagement between Philippine and US authorities to clarify and resolve the issues that led to the suspension,” ayon sa grupo.
Naging resulta rin ng isang pulong noong Hunyo 10 ang panawagan para sa mas malakas na suporta sa mga apektadong exporter, processor, at mangingisda, pati na rin ang pagpapahusay ng fisheries monitoring, sustainability measures, at regulatory compliance.
Giit pa ng grupo, mahalaga ang paghanap ng alternatibong export markets upang hindi masyadong umasa sa iisang bansang bumibili.
Ayon sa isang resolusyon ng Provincial Board ng Negros Occidental, dapat agad tugunan ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga isyung compliance na naging dahilan ng suspensyon.
Batay sa ulat ng US National Marine Fisheries Service, ang import restriction ay dahil sa kakulangan ng dokumentasyon kaugnay ng marine mammal protection at bycatch monitoring programs, hindi dahil sa kalidad o kaligtasan ng produkto.
Ayon sa mga opisyal, humigit-kumulang 90% ng export ng Philippine blue swimming crab ay napupunta sa US, kaya’t malaking epekto ang inaasahan sa mga coastal communities at industriya ng pangingisda. RNT/MND