WASHINGTON / TEHRAN – Ipinahiwatig ng Estados Unidos at Iran noong Biyernes na malapit na silang magkasundo upang tuluyang wakasan ang kanilang digmaan.
Ayon sa isang mataas na opisyal ng US na hindi pinangalanan, napagkasunduan na ng dalawang panig ang isang draft na kasunduan at inaasahang malalagdaan ito sa mga susunod na araw.
Samantala, sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na maaari pang magkaroon ng pagbabago sa kasunduan ngunit iginiit niyang lumabas na mas malakas ang Iran matapos ang digmaan.
“Iran is the winner of the war with the US,” ani Araqchi sa state television.
Batay sa panukalang memorandum of understanding, muling bubuksan ang Strait of Hormuz at aalisin ng US ang blockade sa mga pantalan ng Iran. Kasunod nito ay tatalakayin ang usapin ng nuclear program ng Iran.
Ayon sa mga ulat, nakasaad din sa draft agreement ang unti-unting pagpapalaya ng bilyun-bilyong dolyar na nakapirming assets ng Iran at pagluwag ng ilang sanctions kapalit ng pagbubukas ng Strait of Hormuz.
Sinabi naman ng isa pang opisyal ng US na kasama sa kasunduan ang pagsira at pag-alis ng stockpile ng highly enriched uranium ng Iran, gayundin ang paglalagay ng inspection system upang matiyak ang pagsunod sa kasunduan.
Posible umanong lagdaan ang kasunduan sa lalong madaling panahon, at kabilang sa mga pinag-uusapang lugar para rito ang Europe o Geneva.
Hindi kabilang ang Israel sa negosasyon. Sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi magiging bahagi ang kanilang bansa sa kasunduan.
Dahil sa balitang may progreso sa usapang pangkapayapaan, tumaas ang global stock markets habang bumaba ng mahigit 3 porsiyento ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ang digmaan ay nagsimula matapos ang magkasanib na pag-atake ng US at Israel laban sa Iran noong Pebrero, na nagdulot ng tensyon sa rehiyon at pagtaas ng presyo ng enerhiya sa buong mundo. RNT/MND