Home NATIONWIDE Paaralan sa Cavite binulabog ng bomb threat

Paaralan sa Cavite binulabog ng bomb threat

2
0

MANILA, Philippines – Isang bomb threat na nagbigay pangamba sa mga residente ng Barangay Paradahan makaraan umanong makatanggap ng ulat ang Tanza Municipal Police Station (MPS) kaugnay sa umano’y tangkang target na pasasabugin ang Paradahan Elementary School sa Tanza, Cavite

Ayon sa ulat, bandang alas-10:00 ng gabi noong Hunyo 14, 2026, isang tawag sa telepono ang natanggap ng Tanza MPS mula kay G. Marquez na nagsabing may natanggap na banta sa Facebook account ng Barangay Paradahan I.

Base sa ipinarating na mensahe mula sa Facebook account na gumagamit ng pangalang “Dennis Scotland,” mayroon umanong nakatanim na time bomb sa Paradahan Elementary School na nakatakdang sumabog bandang alas-11:00 ng umaga at alas-3:00 ng hapon ngayong Hunyo 15, 2026.

Tahasang sinabi ng nagpadala na sasabog umano ang paaralan kapag hindi ito naagapan ng mga awtoridad.

Napag-alaman din na ang parehong Facebook account ay nag-post umano ng kahalintulad na bomb threat sa iba’t ibang Facebook groups bago nito i-block ang account ng Barangay Paradahan I.

Dahil dito, agad na ipinaalam ni G. Marquez ang insidente sa kanilang Barangay Captain at sa pulisya upang maagapan ang anumang posibleng panganib.

Agad namang kumilos ang Tanza MPS at nagsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at residente sa lugar.

Kabilang sa mga isinagawang aksyon ng pulisya ang ocular assessment sa paaralan, panayam sa nag-ulat ng insidente, paghingi ng tulong sa EOD-K9 Unit para sa bomb detection at paneling, at pakikipag-ugnayan sa Anti-Cybercrime Group (ACG) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nasa likod ng online threat.

Nagtalaga rin ng mga pulis sa loob at paligid ng Paradahan Elementary School bilang bahagi ng security measures habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, wala pang nakukumpirmang explosive device sa lugar.

Gayunman, patuloy ang masusing beripikasyon at koordinasyon ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanagot ang sinumang nasa likod ng naturang pagbabanta.

Nag abiso naman ang mga awtoridad sa publiko na manatiling kalmado ngunit maging mapagmatyag at agad na ireport ang anumang kahina-hinalang kilos o impormasyon sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here