Home NATIONWIDE 12 patay sa plane crash sa US

12 patay sa plane crash sa US

2
0

UNITED STATES – Labindalawang katao ang nasawi matapos bumagsak ang isang pribadong eroplano malapit sa Butler Memorial Airport sa Butler, Missouri nitong Linggo, Hunyo 14.

Ayon sa aircraft operator na Skydive Kansas City, kabilang sa mga namatay ang 11 skydivers at isang piloto na sakay ng eroplano.

“Tragically, all 12 individuals aboard lost their lives in the accident,” ayon sa pahayag ng kumpanya.

Sinabi ng Missouri State Highway Patrol na naganap ang aksidente sa lugar na nasa humigit-kumulang 100 kilometro sa timog ng Kansas City.

Batay sa paunang imbestigasyon, lumipad ang single-engine turboprop aircraft dakong alas-11:20 ng umaga ngunit hindi ito nakakuha ng sapat na altitude bago biglang lumiko pakaliwa at bumagsak may 300 yarda mula sa runway.

Kinilala ng National Transportation Safety Board (NTSB) ang bumagsak na sasakyang panghimpapawid bilang isang Pacific Aerospace 750XL.

Ayon kay Bates County Sheriff Chad Anderson, walang indikasyon na may kinalaman ang insidente sa terorismo o iba pang krimen.

“This appears to be an accident,” ani Anderson sa isang press conference.

Mas lalong naging masakit ang trahedya dahil ilan sa mga kaanak ng mga biktima ang nakasaksi mismo sa pagbagsak ng eroplano.

Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang hinihintay na maabisuhan ang lahat ng kanilang mga pamilya.

Nasa lugar na ang mga opisyal ng Federal Aviation Administration (FAA), habang inaasahang darating naman ang mga imbestigador ng NTSB upang magsagawa ng mas malalim na pagsisiyasat.

Ayon sa NTSB, maaaring abutin ng 12 hanggang 24 buwan bago mailabas ang pinal na ulat hinggil sa sanhi ng aksidente. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here