Home NATIONWIDE Imbestigasyon sa kaso ng lalaking nasawi matapos ‘di maoperahan dahil ‘di ma-access...

Imbestigasyon sa kaso ng lalaking nasawi matapos ‘di maoperahan dahil ‘di ma-access ang PhilHealth, ipinanawagan sa Senado

5
0

MANILA, Philippines – Nanawagan sina Senador Christopher “Bong” Go at Senador JV Ejercito sa Department of Health (DOH) at PhilHealth na imbestigahan ang kaso ng isang lalaki na namatay umano matapos hindi maoperahan dahil sa kakulangan ng pera at isyu sa benepisyo ng PhilHealth.

Ayon kay Maria Lourdes Sulit, namatay ang kanyang asawa noong Hunyo 4 dahil sa brain hematoma. Sinabi niyang hindi umano sila nakapag-avail ng PhilHealth benefits dahil wala pang 24 oras na naka-confine ang pasyente, kahit mahigit 25 taon na itong naghuhulog sa PhilHealth.

Ikinuwento rin ni Sulit na sa unang ospital ay tinatayang aabot sa P4 milyon ang gastos sa operasyon. Inirekomenda silang ilipat sa ibang ospital kung saan mas mababa ang gastos, ngunit humingi umano ito ng P1 milyong deposito bago isagawa ang operasyon. Dahil wala silang sapat na pera, wala silang nagawa upang mailigtas ang kanyang asawa.

Sinabi ni Go na kung totoo pa ring ipinatutupad ang 24-hour confinement policy, ito ay hindi katanggap-tanggap. Iginiit niya na dapat agad tugunan ng PhilHealth ang insidente at ipaliwanag ang mga naging aksyon nito.

Samantala, sinabi ni Ejercito na dapat ding siyasatin kung may paglabag sa Anti-Hospital Deposit Law, na nagbabawal sa mga ospital na humingi ng deposito bago magbigay ng agarang lunas sa mga emergency o kritikal na pasyente.

Binigyang-diin niya na lahat ng Pilipino ay saklaw ng Universal Health Care Law at dapat makinabang sa mga serbisyo ng PhilHealth. Aniya, kung may paglabag sa mga polisiya ng PhilHealth o sa batas, dapat may managot.

Ayon sa mga senador, hindi dapat nakabatay sa kakayahang magbayad ang agarang pagpapagamot ng isang pasyente, lalo na sa mga sitwasyong nagbabanta sa buhay. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here