MANILA, Philippines – Arestado ang siyam na lalaki sa Quezon City noong madaling araw ng Hunyo 14 matapos umanong mahuli sa aktong pagputol at paghahakot ng mga copper telecommunication cables na nagkakahalaga ng ₱163,852 sa Commonwealth Avenue.
Ayon sa pulisya, nasabat ang mga suspek sa Barangay Matandang Balara ng Batasan Police Station 6 habang hinihila nila ang mga kable na pag-aari ng PLDT Inc. gamit ang isang utility vehicle, kadena, at iba’t ibang kasangkapan tulad ng bolt cutter, martilyo, at lagari.
May humigit-kumulang 1,500 pares ng 26-gauge underground copper cables ang narekober mula sa mga suspek. Napansin din ng mga awtoridad na wala silang maipakitang ID, work order, o patunay na sila ay awtorisadong kontratista ng kumpanya.
Matapos ang maikling habulan, nahuli rin ang mga suspek na kinilala bilang mga alyas “Jayson” (36 at 31), “Jimlyn” (32), “Michael” (50), “Leoncio” (49), “Rogelio” (55), “Eduardo” (45), “Joselito” (18), at “Jemar” (18), na pawang mula sa iba’t ibang lugar gaya ng Meycauayan, Bulacan at Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa pulisya, balak sanang dalhin ang mga nakaw na kable sa Nueva Ecija para ibenta.
Kinasuhan ang mga suspek ng theft at paglabag sa Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013 sa Quezon City Prosecutor’s Office. RNT/MND