MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Senado na kaagad pagtibayin ang panukalang Anti-Scalping Law kasunod ng malawakang ulat na tumaas nang husto ang concert ticket sa BTS kumpara sa tunay na halaga.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on justice and human rights, na nakapaloob ang panukala sa Senate Bill No. 1989 o ang Anti-Ticket Scalping Act na layunin nitong ipagbawal ang ticket scalping at protektahan ang karapatan ng mamimili.
Nagpahayag nang pangamba si Pangilinan hinggil sa ilang ulat na natanggap ng kanyang tanggapan mula sa ilang galit na concertgoers na nalalagay ang Filipino fans sa hindi pantay na pabigat sa pagdalo sa kinahihintay ng concert sanhi ng ticket scalping.
“Batay sa mga nakarating na reports sa ating opisina, halos isang dekada na naghihintay ang BTS fans na magkaroon muli ng concert dito sa atin. Hindi tama na pagsamantalahan ang pananabik at paghihintay na ito ng mga scalpers,” aniya.
Ayon sa social media post ng Filipino fans ng BTS na tinawag na ARMY, na umaabot sa mula P30,000 hanggang P90,000 ang halagang ticket sa BTS World Tour Arirang Concert na matagal nang hinihintay sa Pilipinas.
“VIP Soundcheck tickets for the March 2027 event are priced at P25,000 each, while tickets for the Bleachers 2 section are at P7,500 each,” ayon kay Pangilinan.
Layunin ng anti-scalping legislation na pigilan ang mag abukadong resale practices sa pamamagitan ng pagtatakda ng parusa sa indibiduwal at entities na nagbebenta muli nang nabiling ticket na lampas sa regulated price threshold.
“Penalties for ticket scalping under the proposed measure will be as follows: P100,000 or imprisonment of six months, or both, for the first offense; P250,000 or imprisonment of one year, or both, for the second offense; and P500,000 or imprisonment of three years, or both, for the third offense,” ayon sa isang probisyon ng panukala.
Layunin din ng panukala na itaguyod ang mas malawak na pananagutan sa ticketing platfomrs at event organizaer sa pamamagitan ng pinalakas na monitoring at pagpapatupad ng mekanismo.
“Nagpapakahirap ang mga tunay na fans na ipunin ang pambili ng mga tickets na ito. Nagpapakahirap sila na mag-queue sa mga ticketing platforms para makabili,” ayon sa senador. “Lumalaban sila nang tama at patas, pero ninanakaw ng mga scalper ang oportunidad nilang makita ang mga iniidolo nila.”
Kaya hinikayat ni Pangilinan ang kapwa mambabatas na kaagad pagtibayin ang panukala dahil dumadami ang Insidente ng panloloko sa presyo ng mga konsiyerto sa Pilipinas.
Nakatakda ang BTS World Tour Arirang Concert sa Marso 13, at 14, 2027 sa Philippine Sports Stadium sa Bulacan. Ernie Reyes