MANILA, Philippines – Patuloy na nagbibigay ng tulong ang Japan sa Pilipinas para sa recovery matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8, na ikinamatay ng 68 katao at nagdulot ng malawak na pinsala sa mga ari-arian sa rehiyon at kalapit na lugar.
Ayon sa Japanese Embassy sa Manila, mula Hunyo 9 ay nagbibigay na ang Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) ng emergency observation at satellite images ng apektadong bahagi ng southern Mindanao upang makatulong sa disaster response.
“Japan will continue to work closely with the Philippines to support its early recovery from the damages caused by the earthquake,” ayon sa embahada.
Ang mga larawan ay mula sa Advanced Land Observing Satellite-2/4 ng JAXA sa ilalim ng international cooperation framework na Sentinel Asia.
Ang Sentinel Asia ay itinatag noong 2006 ng Asia-Pacific Regional Space Agency Forum (APRSAF), isang pandaigdigang sistema para sa pagbabahagi ng satellite images at datos tuwing may sakuna. Pinamumunuan ito ng Japan at ang JAXA ang nagsisilbing secretariat nito, na binubuo ng 127 space at disaster management organizations. RNT/MND