CATANDUANES, Philippines – Binigyan ng pamahalaan ng bagong kasanayang pangkabuhayan ang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Pandan, Catanduanes matapos makumpleto ang pagsasanay ng coconut jam na pinangunahan ng Department of Agrarian Reform (DAR) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa DAR dalawampu’t walong miyembro ng Lumabao Aksyon sa Kasaganaan Asosasyon, Inc. (LAKAS), karamihan ay kababaihan, ang natuto kung paano gawing value-added products ang niyog sa pamamagitan ng hands-on training sa tamang pagpili ng niyog, food safety, sanitasyon, at paggawa ng jam gamit ang lokal na sangkap.
Bukod sa paggawa, itinuro rin sa mga dumalo ang tamang paglalagay ng label, pagtutuos ng gastos, at mga konsepto sa pagbebenta—upang matiyak na ang kanilang produkto ay hindi lamang ligtas at de-kalidad kundi maging kompetitibo rin sa merkado.
Kaugnay nito ang inisyatibong ito ay bahagi ng Enterprise Development and Economic Support (EDES) program ng DAR na sumusuporta sa ARBs upang magkaroon sila ng iba’t ibang pinagkukunan ng kita at makapagtayo ng mga pangmatagalang kabuhayan. Sa pagtuturo sa mga samahan ng magsasaka na gamitin ang lokal na yaman, pinatitibay ng EDES ang ekonomiya sa kanayunan at pinapataas ang kita ng mga pamilya.
Binanggit ni Jennifer Bartolome, isang ina at opisyal ng LAKAS, ang kahalagahan ng pagsasanay: “Malaking tulong ito sa aming mga kababaihan dahil nagbibigay ng dagdag na pagkakakitaan at suporta sa aming samahan.”
Ang pagsasanay sa coconut jam ay ikalawang product development activity ng DAR Catanduanes sa ilalim ng EDES ngayong taon, kasunod ng matagumpay na pagsasanay sa paggawa ng salted egg para sa isa pang ARBO sa probinsya.
Sa pamumuno ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III, patuloy na isinusulong ng DAR ang mga value-adding activities na nagbibigay lakas sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo upang mas higitan ang tradisyunal na pagsasaka, palakasin ang kanilang mga organisasyon, at makapag-ambag sa pag-unlad ng lokal na kabuhayan. (Santi Celario)