Pinangunahan ni Senator Alan Peter Cayetano ang pagdinig sa Senado kasama ang Commission on Higher Education (CHED) para talakayin ang mga pangunahing programa at panukalang batas ng ahensya. CESAR MORALES
MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano noong Martes ang posibilidad na bitawan ang posisyon bilang Senate President sa gitna ng mga espekulasyon na maaari siyang mapatalsik sa special session ng Kongreso na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Cayetano sa isang Facebook live, kung makakakuha ang kabilang grupo ng 13 boto, maaari na umano silang umupo sa liderato. Gayunman, sinabi niyang hindi magbabago ang kanilang prinsipyo.
“If they already have 13, congratulations. We know how you got it—through intimidation, bribery, and threats of imprisonment,” ani Cayetano.
Dagdag niya, kung magpapalit ng liderato, dapat hindi umano muling isantabi ang isyu ng flood control scandal na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee.
Ang isyung ito ay kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects na iniimbestigahan ng komite na kasalukuyang pinamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo.
Giit pa ni Cayetano, dapat manatili kay Sen. Rodante Marcoleta ang pamumuno sa blue ribbon committee.
Ayon sa ulat, kapwa nawalan ng posisyon sina Cayetano at Marcoleta matapos ideklarang bakante ang lahat ng committee seats sa plenary noong Hunyo 3, na nagbukas ng daan sa bagong halalan ng mga opisyal sa Senado, kabilang si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate president pro tempore.
Sinabi rin ni Cayetano na tila layunin ng special session na alisin siya sa posisyon at makuha ang kontrol sa mga komite.
Sa huli, sinabi niya na mas pinipili niyang tawagin na lamang siyang “Kuya Alan,” at hindi na gagamitin ang kanyang mga titulo bilang senador o Senate President, at iginiit na mas mahalaga sa kanya ang pagiging “kuya” na handang mag-alaga at tumulong sa iba. RNT/MND