MANILA, Philippines – TUMULAK na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungong Kazan, Russia, Martes ng gabi upang pangunahan ang partisipasyon ng Pilipinas sa ASEAN-Russia Commemorative Summit at magsagawa ng bilateral talks kasama si Russian President Vladimir Putin na nakatuon sa energy at food security.
Umalis ang eroplanong may lulan sa Pangulo at sa kanyang delegasyon mula sa Villamor Air Base sa Pasay City alas-11:55 ng gabi.
Sa kanyang departure statement, sinabi ni Pangulong Marcos na ang summit ay marka ng ika-35 anibersaryo ng relasyon ng ASEAN at Russia at may bitbit na espesyal na kahalagahan dahil ito ang kanyang unang pagbisita sa Russia habang ginugunita ng Maynila at Moscow ang ika-50 taon ng diplomatic relations.
Winika ng Pangulo na pahihintulutan ng summit ang mga lider ng ASEAN at si President Putin na repasuhin ang tatlong dekada ng pagtutulungan at tukuyin ang mga larangan para sa mas malalim na pakikipag-ugnayan sa mga darating na taon.
“As Chair of ASEAN, the Philippines is committed to ensuring that this Commemorative Summit produces substantive and forward-looking outcomes that deepen ASEAN’s Strategic Partnership with Russia and contribute, in concrete terms, to regional peace, stability, and shared prosperity,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Inaasahan na magiging sakop ng talakayan ang peace and security, trade and investment, food and energy security, science and technology, digital transformation, education, tourism, at people-to-people exchanges.
Sa sidelines ng summit, makikipagpulong naman si Pangulong Marcos kay Putin para sa bilateral talks.
“Beyond marking our golden anniversary of diplomatic relations, which were formally established on June 2, 1976, our discussions will focus on concrete areas of mutual interest, particularly energy and food security,” ayon sa Pangulo.
Ang biyaheng ito ng Pangulo ay sa gitna ng pakikipagbuno ng mga pamahalaan sa buong mundo sa mga alalahanin ukol sa energy prices at supply stability sa gitna ng nagpapatuloy na geopolitical tensions.
Muli namang inulit ni Pangulong Marcos ang commitment ng Pilipinas sa ASEAN centrality at regional cooperation.
“Guided by our ASEAN Chairship theme, ‘Navigating Our Future, Together,’ the Philippines will continue to champion ASEAN unity, centrality, and solidarity, and promote an open, inclusive, and rules-based regional architecture anchored in international law,” anito.
Sa kabilang dako, si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, sa isang social media post, ay inilarawan ang biyaheng ito bilang “brief but significant.” Sinabi nito na maglalaan lamang ang Pangulo ng 38 oras sa Russia sa kabila ng pinagsamang 26-hour flight time.
“Every hour matters when the conversations revolve around issues that affect everyday life for Filipino families — from food and energy security to fuel prices,” ayon sa Unang Ginang.
Samantala, ang summit ay idaraos sa Hunyo 17 at 18 sa Kazan, kung saan inaasahang aaprubahan ng mga lider ng ASEAN at ni Putin ang mahahalagang dokumento na nagbabalangkas sa future areas of cooperation sa pagitan ng regional bloc at Russia.(Kris Jose)