MANILA, Philippines – Naniniwala si Senador Erwin Tulfo na maaaring naging moot and academic na ang petisyong inihain ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano sa Korte Suprema matapos mahalal si Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President.
Gayunman, nilinaw ni Tulfo na hindi niya nais pangunahan ang magiging pasya ng Kataas-taasang Hukuman sa naturang usapin.
“Ayaw ko pangunahan ang SC. Nasa sa kanila po ‘yun. Pero ano pa ho ang hihingin niyang TRO, eh 13 na po kami ngayong araw na ito, so lalabas po moot and academic ‘yung kanyang isinampa sa SC,” ani Tulfo.
“Pero tulad po ng sinabi ko, nasa SC pa rin po ang desisyon,” dagdag niya.
Noong Martes, naghain ng petisyon sa Korte Suprema sina Senadora Loren Legarda at Pia Cayetano, at mga Senador Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, at Camille Villar upang ipawalang-bisa ang sesyon noong Hunyo 3 kung saan nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore.
Hiniling din nila sa Korte Suprema na magpalabas ng status quo ante order upang ibalik ang kalagayan bago ang naturang sesyon.
Gayunman, nagbitiw sa laban para sa liderato ng Senado si Cayetano nitong Miyerkules ng umaga matapos mawalan ng sapat na suporta.
Sa isinagawang special session, iminungkahi ni Senador Juan Miguel Zubiri si Gatchalian bilang Senate President at nagkaisang inaprubahan ng 13 senador na dumalo sa sesyon.
Samantala, sinabi ni Supreme Court spokesperson Atty. Camille Ting na kailangan pa ring hintayin ang magiging aksyon ng Korte Suprema sa petisyon.
“We will have to wait for the Court’s action,” ani Ting. RNT