MANILA, Philippines — Umabot na sa P1.29 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sinabi ni OCD information officer Diego Mariano na nasa 774 na imprastraktura ang naitalang napinsala ng malakas na lindol.
Samantala, tinatayang nasa P29.8 milyon naman ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Davao del Norte at Davao del Sur.
Nanatili sa 68 ang bilang ng mga nasawi na sumasailalim pa sa beripikasyon, habang nasa 33 ang nawawala at 1,339 ang sugatan.
Ayon sa OCD, umabot na sa 339,254 pamilya o katumbas ng 1.4 milyong indibidwal ang naapektuhan ng lindol. Sa bilang na ito, 4,464 pamilya o 19,791 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 45 evacuation centers.
Naitala rin ang 60,281 bahay na napinsala at 13,652 na tuluyang nawasak.
Samantala, patuloy ang humanitarian assistance and disaster response operations ng Philippine Army sa mga apektadong lugar sa Davao Occidental at Sarangani.
Ayon kay Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, nasa 600 pamilya sa Sitio Linao, Barangay Tinoto, Maasim, Sarangani ang nabigyan ng mahigit 190 galon ng malinis na tubig mula sa Mobile Water Purification Station ng Army.
Naghatid rin ang mga sundalo at rescuers ng mga relief goods sa mga pamilyang lumikas sa Barangay Butulan, Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Mula Hunyo 11 hanggang 15, nakapaghatid ang mga operasyon ng humigit-kumulang 4,925 food packs, 800 pakete ng bigas, 3,400 bote ng tubig, 400 kahon ng relief goods, 100 lalagyan ng 20-litro ng inuming tubig, at 40 kahon ng anim na litrong bottled water sa mga apektadong komunidad.
Patuloy, aniya, ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Army sa mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol. Santi Celario