MANILA, Philippines — Kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) nitong Miyerkules na inalis na ang Chinese floating platform na namataan sa lagoon ng Bajo de Masinloc mula pa noong huling bahagi ng Mayo.
Ayon sa NTF-WPS, nakumpirma ang pag-alis ng naturang estruktura batay sa pinakahuling maritime domain awareness (MDA) patrols na isinagawa ng mga awtoridad ng Pilipinas.
Kasabay nito, sinabi ng task force na magpapatuloy ang regular na maritime patrols, MDA operations, at iba pang lawful presence activities ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at iba pang kaukulang ahensya upang matiyak ang seguridad sa Bajo de Masinloc.
Nanawagan din ang NTF-WPS sa lahat ng dayuhang entidad na sumunod sa international law at itigil ang anumang kilos na lumalabag sa soberanya, sovereign rights, at hurisdiksyon ng Pilipinas.
“The Philippines remains fully committed to protecting its territorial integrity, upholding the rules-based international order, and defending its legitimate entitlements,” ayon sa task force.
Nauna nang naghain ang Pilipinas ng pormal na diplomatic protest laban sa China matapos matukoy ang presensya ng floating platform sa Bajo de Masinloc.
Bagama’t kinilala nito ang pag-alis ng estruktura, muling iginiit ng NTF-WPS ang posisyon ng bansa na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
“While we take note of the removal, we reiterate our principled and unyielding position: BdM is and will always be an integral part of Philippine territory,” pahayag ng task force.
Binigyang-diin din nito na tanging Pilipinas lamang ang may karapatang magtayo ng mga estruktura at magsagawa ng mga aktibidad, kabilang ang marine scientific research, sa Bajo de Masinloc at karatig nitong karagatan. Dave Baluyot