MANILA, Philippines – Naglabas na ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang Department of Justice (DOJ) laban sa ilang indibidwal kaugnay sa pagkasawi ng dalawang student-athlete sa kanilang team building sa Dipaculao, Aurora.
Ayon kay Justice spokesperson Atty. Polo Martinez, kabilang sa isinailalim sa ILBO si Ateneo de Manila University men’s basketball coach Tab Baldwin at team manager Christopher “Epok” Quimbo.
Kasama rin sa binabantayan ang tatlong assistant coaches na sina Reynaldo Jacinto Jr., Dean Castaño, at Sandro Soriano.
Layon ng pagpapalabas ng ILBO na mamonitor ang kanilang galaw sakaling tangkain nilang lumabas ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagkamatay ng mga Ateneo student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Una nang hiniling sa DOJ ng pamilya ni Baterbonia na maglabas ng ILBO matapos lumabas sa mga panayam ng mga dating atleta ang tinagurian nilang “deadly training” o tila military training ni Coach Baldwin sa Baler, Aurora.