MANILA, Philippines – Bubuo ang Department of Labor and Employment o DOLE ng Labor Attorneys’ Office o LAO para magbigay ng libreng legal assistance sa mga manggagawa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino na inoorganisa nila ang Workers’ Legal Representation Unit at Labor Justice Clinics para mas maprotektahan pa ang karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng kamakailang nilagdaang Department Order 258-26.
“I just created a Labor Attorneys’ Office to cater to the needs of indigent workers without access to lawyers . ” saad ni Tolentino.
Layunin ng pagtatatag ng bagong opisina na palakasin ang labor justice mechanisms, kabilang ang paglikha ng National Academy for Labor Justice para mapahusay ang kakayahan ng mga labor arbitrator.
Papalitan at gagampanan nito ang mga function at responsibilidad ng dating Public Assistance and Complaints Unit sa pagtulong sa mga indigent at qualified na manggagawa.
Idinagdag ni Tolentino na tinutukoy na rin nila ang pakikipag-partner sa mga academic institution, kabilang ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, para isali ang mga fourth-year law student sa supervised internship programs na maaaring sumuporta sa legal assistance services para sa mga manggagawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden