MANILA, Philippines — Magpapatuloy sa Hunyo 22 ang pre-trial conference para sa impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte matapos hindi matapos ng prosekusyon at depensa ang pagmamarka ng mga documentary evidence sa unang araw ng pagdinig.
Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, tumagal ang proseso dahil sa dami ng dokumentong kailangang suriin at paghambingin ng magkabilang panig.
“We anticipate returning on Monday (June 22), and we’ve already been informed that there will be another session for the marking process,” ani Poa. “Hopefully, we can finish everything by Monday. If not, we’re prepared to come back on Tuesday (June 23) as well.”
Sa kabila nito, nananatiling kumpiyansa ang depensa na masisimulan ang impeachment trial sa itinakdang petsang Hulyo 6.
Sinabi ni Poa na bahagi pa lamang ng mga dokumentaryong ebidensya ang namamarkahan dahil may ilang Articles of Impeachment na naglalaman ng napakaraming rekord na nangangailangan ng masusing pagsusuri.
“It’s not really that fast because we have to compare documents. It’s only natural and normal that the marking does not proceed very quickly,” aniya.
Nagkasundo rin ang prosekusyon at depensa na panatilihin ang kani-kanilang listahan ng mga testigo. Tinatayang nasa 25 hanggang 30 testigo ang maaaring iharap ng depensa, bagama’t hindi pa pinal ang bilang.
Pinasinungalingan din ni Poa ang mga ulat ng umano’y tensyon sa pagitan ng dalawang kampo at iginiit na normal lamang ang mga pagtatalo sa mga usaping procedural.
“I just want to make it clear that it is normal for both sides to have arguments,” aniya. “There’s nothing personal about it; it’s just work.”
Nagkasundo rin ang magkabilang panig na magsumite ng nakasulat na komento hinggil sa stipulation of facts sa susunod na linggo upang mapabilis ang proseso.
Na-impeach si Duterte ng House of Representatives noong Mayo at nahaharap sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang matitinding krimen. Naghain naman ang kanyang kampo ng sagot sa Articles of Impeachment noong Hunyo 1 at hiniling na maibasura ang kaso. RNT