MANILA, Philippines — Dalawang ash emission events ang naitala sa Bulkang Kanlaon madaling-araw ng Biyernes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa abiso ng PHIVOLCS, naganap ang mga pagbuga ng abo dakong alas-3:32 ng madaling-araw at alas-5:35 ng umaga nitong Hunyo 19.
Nagdulot ang mga ito ng kulay-abong usok na umabot sa tinatayang 300 metro sa ibabaw ng bunganga ng bulkan bago tangayin pakanlurang timog ng hangin.
Naitala ang mga ash emission sa pamamagitan ng thermal camera sa Lower Masulog observation station at IP camera ng Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City.
Sa kabila ng pinakahuling aktibidad, nananatiling nasa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon, na nangangahulugang nasa estado ito ng katamtamang pag-aalburuto.
Ayon sa PHIVOLCS, maaari pa ring magdulot ang bulkan ng mga biglaang steam-driven o phreatic eruption, ash emission, volcanic earthquake, rockfall at iba pang panganib kaugnay ng pagtaas ng aktibidad nito.
Muling pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng aktibidad ng bulkan.
Patuloy namang minomonitor ng PHIVOLCS ang sitwasyon sa Kanlaon at hinikayat ang mga lokal na pamahalaan at residente na manatiling mapagmatyag sa anumang pagbabago sa kondisyon ng bulkan. Santi Celario