RIZAL — Patay ang isang 70-anyos na babae matapos mabangga ng isang pampasaherong jeep sa Barangay Niogan, Pililla, Rizal, madaling araw ng Hunyo 17.
Ayon sa Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO), binabagtas ng jeep ang kahabaan ng Pakil–Jalajala Road patungong Tanay bandang alas-5 ng umaga nang umano’y masilaw ang 22-anyos na driver sa matinding ilaw ng kasalubong na sasakyan.
Dahil sa pag-aakalang mababangga nito ang isa pang sasakyan, kumabig umano ang driver pakaliwa at doon nito nabundol ang biktimang tatawid sana sa kabilang bahagi ng kalsada.
Agad na isinugod sa ospital ang senior citizen ng mga tauhan ng Pililla Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at mga pulis, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Nasa kustodiya na ng Pililla Municipal Police Station ang driver at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. Mary Anne Sapico