Home METRO Big-time durugista, tigok sa engkuwentro; pulis sugatan 

Big-time durugista, tigok sa engkuwentro; pulis sugatan 

3
0

BATAAN — Patay ang isang hinihinalang big-time drug dealer habang sugatan ang isang pulis matapos mauwi sa habulan at engkuwentro ang isang buy-bust operation sa Dinalupihan.

Kinilala ng pulisya ang napatay na suspek sa alyas na “Daddy,” na itinuturing umanong high-value individual sa ilegal na droga sa lugar.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagsasagawa ang mga awtoridad ng buy-bust operation sa Barangay Saguing nang makahalata umano ang suspek na pulis ang kanyang ka-transaksiyon.

Dahil dito, pinaputukan umano ng suspek ang undercover operative na tinamaan sa kanang braso bago mabilis na tumakas sakay ng kanyang sasakyan.

Nagkaroon ng habulan hanggang sa masukol ang suspek sa isang checkpoint. Gayunman, sa halip na sumuko ay muli umano nitong hinarurot ang sasakyan at nagtungo sa Barangay Happy Valley kung saan siya nakorner ng mga operatiba.

Ayon sa pulisya, muli umanong nagpaputok ang suspek laban sa mga awtoridad kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.

Isinugod pa sa ospital ang suspek ngunit idineklarang patay kalaunan.

Nakumpiska sa buy-bust operation ang isang pakete ng hinihinalang shabu at buy-bust money. Sa lugar ng engkuwentro naman ay narekober ang 13 pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, isang kalibre .38 na baril, at mga basyo ng bala na pinaniniwalaang ginamit ng suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Roel Tarayao

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here