MANILA, Philippines — Nanawagan ang National Authority for Child Care (NACC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na suportahan ang legal na pag-aampon upang maprotektahan ang mga inabandona, pinabayaan, ulila, at isinukong mga bata.
Sa DSWD Thursday Media Forum noong Hunyo 18, binigyang-diin ni NACC Executive Director at Undersecretary Maria Gabriela “Gaby” Concepcion na dapat dumaan sa tamang proseso ng pag-aampon sa halip na gumamit ng pekeng birth certificate upang magmukhang tunay na magulang ang mga nag-aampon.
“Kailangan talagang dumaan sa prosesong [legal na pag-aampon] kasi ang ginagawa ng iba, ay direktang pinapasok sa birth certificate, pinapeke nila ang birth certificate para magmukha silang mga tunay na magulang, pero wala itong benepisyo para sa bata. Kailangan talaga nating ampunin nang tama ang ating mga bata,” ani Concepcion.
Ipinaliwanag niya na ang simulation of birth o pamemeke ng birth records ng bata ay isang krimen na karaniwang nangyayari sa mga ospital at lying-in clinics.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8552 o Domestic Adoption Act, ang simulation of birth at pamemeke ng civil registry records ay may kaukulang parusang anim na taon at isang araw hanggang 12 taong pagkakakulong at/o multang hanggang P50,000.
“Kung talagang mahal niya po yung anak ninyo, at gusto niya siyang bigyan ng lahat ng karapatan bilang isang anak, gawin natin yung tamang proseso,” diin ni Concepcion.
Ayon pa sa opisyal, ang mga legal na inampon ay may kaparehong karapatan ng mga biological na anak, kabilang ang paggamit ng apelyido ng mga magulang at pagiging lehitimong tagapagmana.
“Pag nag-adopt tayo ng bata, for all intents and purposes, nagiging legitimate child iyan, they’ll carry your surname to be one of your heirs,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Concepcion na maaaring maitama sa ilalim ng amnestiya ang mga kaso ng simulated birth na naganap bago o noong Marso 28, 2019 alinsunod sa Republic Act No. 11222 o Simulated Birth Rectification Act of 2019. Aniya, hanggang Marso 2029 lamang maaaring mag-avail ng naturang amnestiya. Santi Celario